Protected by Copyscape Plagiarism Checker

Thursday, October 18, 2012

Ang Paboritong Bedtime Story ni Maia

Eto ang buod ng paboritong kwento ni Maia. Minsan hindi ito matapos tapos ikwento ni Mommy nya kasi ang dami-daming nasisingit na detalye. Nakakatulog na sila bago pa man umabot sa ending. May panahon din na hindi nya ito naging paborito. Ewan ko kung bakit, nalulungkot daw sya pag naririnig ang kwento. Siguro yun ang panahon na binubuo pa lang ni Maia ang bokabularyo nya at hindi nya gaano naintindihan ang ibang parte ng kwento. Pero ngayon, kayang-kaya na nya ito ikwento ng mag-isa. Kabisadong-kabisado na nya ang mga detalye. Sana hanggang sa kanyang paglaki, maalala nya ang masayang araw na ito. 

--------------------------------------------------

Isang araw, doon sa malayong bayan ng DC may isang batang nagngangalang Maia Isobel. Pinanganak sya noong Oktubre 18. Ang pangalan ng Mommy nya ay F at ang pangalan ng Daddy nya ay T.

Madaling araw noon ng bigla na lang naisip ni Maia na kumatok sa tyan ng Mommy niya. "Knock, knock, knock Mommy ko. Palabasin mo na po ako dito. Gusto ko na po makita ang mundo!" Malakas ang katok niya pero hindi agad ito pinansin ng Mommy niya. Bakit kamo? Sabi kasi ni doktora dalawang linggo pa ang aantayin nila. 

Pero sadyang makulit itong si Maia. "Mommy ko, Mommy ko! Naririnig mo ba ako? Ready na akong masilayan ang mundo! Palabasin mo na po ako dito!" Nilakasan nya ang katok at ayun napansin din sya ni Mommy nya. Inumpisahan bilangin ni Mommy nya ang katok nya. Aba! At mukhang handa na ngang lumabas para makita ang mundo ni Maia.

Alas kwarto nang umaga nag umpisang kumatok si Maia. Pero alas-8 na nung umalis sila Mommy at Daddy nya para kitain sa ospital si Doktora. Pagdating ng alas-11 nakahiga na si Mommy ni Maia at handa nang ilabas sya. Pero nakatulog ata si Maia at inabot ng alas-9 ng gabi bago sila magkita ng personal ng Mommy nya. Natagalan man, sulit na sulit ang bawat segundong inantay. Inuluwal na malusog at malakas ang batang si Maia.

Nakakatuwa, sino mag aakala. Pagkatapos ng siyam na buwan ayan na si Maia. Nagkamustahan na rin sila ni Daddy at Mommy nya. Hindi mapantayan ang galak sa mga taong matagal nang sabik makita sya. 


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...